MANILA, Philippines – Apat na retiradong mahistrado ang magsisilbing amici curiae o “friends of the court” upang tulungan ang Senate Impeachment Court na resolbahin ang usapin sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kabilang dito sina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr., gayundin si retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna.
Nakatakdang personal na humarap sina Panganiban, Puno at Azcuna sa Setyembre 16, habang magsusumite naman si Davide ng written legal memorandum.
Hihingan sila ng opinyon kaugnay ng apela ni Senator-Judge Erwin Tulfo na naglalayong linawin kung paano dapat ipatupad ang constitutional requirement na two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado ang kailangan para sa conviction.
Nauna nang pinairal ng presiding officer ang tinatawag na “hard 16”, o 16 boto mula sa 24-member Senate, bilang kinakailangang bilang para ma-convict ang isang impeached official.
Hindi naman hinihiling ni Tulfo na babaan ang threshold, kundi nais lamang nitong malinawan kung paano bibilangin ang voting base sakaling may mga senator-judge na hindi makalahok sa final vote.
Pagkatapos ng pagdinig sa amici curiae sa Setyembre 16, nakatakda naman sa Setyembre 23 ang oral arguments ng prosecution at defense bago pagbotohan ng impeachment court ang usapin. RNT