Home NATIONWIDE 4 dayuhan arestado ng BI sa telecom fraud, scam

4 dayuhan arestado ng BI sa telecom fraud, scam

162
0

MANILA, Philippines – DINAKIP ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na dayuhan matapos umanong masangkot sa telecom fraud, online gaming scam at iba pang iligal na aktibidad sa isinagawang operasyon sa Angeles, Pampanga.

Ayon sa BI, isinagawa ang operasyon noong Pebrero 18 sa isang residential area sa Barangay Pampang, kasunod ng direktiba ni Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa mga dayuhang sindikato na nag-ooperate sa bansa.

Sa ulat kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, sinabi ni Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. na ikinasa ang raid sa tulong ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) matapos makatanggap ng impormasyon na sangkot ang mga suspek sa telecom fraud at umano’y kidnapping-for-extortion scheme.

Habang isinasagawa ang operasyon noong Miyerkules ng gabi, nagtangka umanong tumakas ang dalawang babaeng Hapon sakay ng isang sasakyan, ngunit agad silang naharang ng mga operatiba.

Kinilala ng BI ang mga naaresto na sina Oi Riho, 27; Moriyama Yu, 31; kapwa Japanese national; kasama ang isa pang Hapon na si Kato Hiroaki, 42; at Chinese national na si Wang Xinyu, 32.

Ayon sa BI, nabigo ang mga ito na magpakita ng pasaporte o anumang valid identification. Sina Oi at Kato ay lumabas na overstaying at undocumented aliens, habang si Moriyama ay nahaharap sa reklamong harboring illegal aliens at pagiging undocumented. Si Wang naman ay kakasuhan ng overstaying, pagiging undocumented at undesirability.

Sa imbestigasyon na isinagawa sa presensya ng mga kinatawan ng Japanese Embassy, itinanggi ng mga suspek ang pagkakasangkot sa kidnapping at extortion.

Gayunman, inamin umano ng mga ito ang partisipasyon sa scamming activities at online gaming fraud na nakabase sa Angeles City.

Base sa intelligence report, si Wang umano ang logistics head ng scam hub at responsable sa training ng mga tauhan at pamamahala ng operasyon.

Matapos ipaliwanag sa kanila ang kanilang mga karapatan sa wikang nauunawaan nila, dinala ang mga dayuhan sa tanggapan ng RIOU-3 para sa dokumentasyon bago inilipat sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Nagbabala naman si Viado sa mga dayuhang ginagamit ang Pilipinas bilang pugad ng krimen.

“Hindi natin papayagan na gawing breeding ground ng scam hubs, kidnapping at transnational fraud ang bansa. Ang mga nagtatago sa likod ng tourist visa o expired documents, mag-isip na kayo. Tutugisin namin kayo,” mariing pahayag ng BI chief.

Dagdag pa nito, tuloy-tuloy ang operasyon ng pamahalaan laban sa mga foreign-led scam network sa buong bansa bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra organisadong transnational crime. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here