Home NATIONWIDE 4 ex-bodyguards ni Zaldy na ‘bumaligtad’ posibleng makasuhan ng plunder – Ombudsman

4 ex-bodyguards ni Zaldy na ‘bumaligtad’ posibleng makasuhan ng plunder – Ombudsman

1
0
TINGNAN: Humarap sa NBI ang 16 sa 18 umano’y dating Marines na nagpakilalang “bagmen” ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, upang tumalima sa subpoena kaugnay ng kontrobersyal na alegasyon ng kickbacks sa flood control projects. | Cesar Morales

MANILA, Philippines — Posibleng isama bilang mga respondent sa kasong plunder ang apat na dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co matapos nilang bawiin umano ang naunang mga pahayag kaugnay ng sinasabing cash deliveries sa flood control scandal, ayon sa Office of the Ombudsman nitong Martes.

Sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na pinag-aaralan ng panel of investigators kung isasama ang apat sa plunder case sakaling hindi na sila tumayong mga testigo.

“If they will not become our witness, then they are merely respondents in a crime where they delivered billions of pesos to the respondents in this case,” ani Clavano sa press conference.

Nauna umanong sinabi ng mga dating security escort ni Co sa kanilang mga salaysay na naghatid sila ng mga maleta na naglalaman ng malaking halaga ng pera sa ilang personalidad na iniuugnay sa umano’y kickbacks mula sa mga proyekto ng gobyerno. Apat sa kanila ang kalaunang bumawi sa kanilang mga naunang alegasyon.

Gayunman, sinabi ni Clavano na hindi pa opisyal na natatanggap ng investigating panel ang mismong recantation ng apat, bagama’t nakalakip na umano ang mga kopya nito sa counter-affidavit na isinumite ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Kinuwestiyon din ni Clavano ang pagiging pangkalahatan umano ng mga pagbawi kumpara sa mas detalyadong naunang affidavits ng mga dating bodyguard.

Nahaharap si Romualdez at iba pang respondent sa preliminary investigation kaugnay ng mga reklamong plunder, graft, bribery at money laundering na nag-ugat sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Itinanggi ni Romualdez ang mga paratang laban sa kanya at iginiit na walang ebidensyang nag-uugnay sa kanya sa sinasabing anomalya.

Patuloy na sinusuri ng Ombudsman ang mga magkakasalungat na salaysay at ebidensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Jocelyn Domenden-Tabangcura

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here