Home METRO 4 lalaki, arestado sa tangkang pagdukot sa Cavite

4 lalaki, arestado sa tangkang pagdukot sa Cavite

1
0

CAVITE, Philippines – Arestado ang apat na lalaki matapos umanong tangkaing dukutin ang isang lalaki sa Barangay Maguyam, Silang, Cavite.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa mga alyas na “ANG,” “AL,” “ED” at “CHAR.”

Batay sa ulat, dakong alas-2:15 ng hapon nang dumating ang mga suspek sa isang compound sakay ng van. Nagpanggap umano silang mga customer bago sapilitang pumasok sa gusali at nagtungo sa ikalawang palapag kung saan naroon ang biktima.

Nagawa ng biktima na makababa ng gusali upang humingi ng tulong, ngunit hinabol umano siya ng mga suspek, sapilitang hinawakan at tinangkang isakay sa kanilang sasakyan.

Agad na isinara ng security guard ang pangunahing gate ng compound upang hindi makatakas ang mga suspek.

Humingi rin ng tulong ang isang empleyado ng kalapit na detachment ng Cavite Provincial Mobile Force Company, dahilan upang rumesponde ang mga tauhan ng Silang Municipal Police Station.

Dahil sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad, naaresto ang apat na suspek at ligtas na nailigtas ang biktima.

Narekober sa operasyon ang isang caliber .45 pistol na may walong bala, isang caliber .38 revolver na may tatlong bala, isang patalim at ang van na ginamit ng mga suspek.

Dinala sa crime laboratory ang mga nakumpiskang baril para sa pagsusuri. Nasa kustodiya naman ng Silang Police ang mga suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here