Home NATIONWIDE 4 marinong Pinoy iniimbestigahan sa record-breaking SoKor drug bust

4 marinong Pinoy iniimbestigahan sa record-breaking SoKor drug bust

260
0

MANILA, Philippines – Patuloy na iniimbestigahan ang apat na Filipino seafarer sa South Korea, habang 16 sa kanilang mga kasamahan ang nakauwi na sa Pilipinas, kasunod ng record-breaking drug bust na isinagawa ng Korea Coast Guard sa barkong MV Lunita.

Sa isang press briefing nitong Miyerkules, tiniyak ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na patuloy ang pagbibigay ng legal at psychosocial assistance sa apat na marino—dalawa sa kanila ang naaresto, habang dalawa pa ang itinuturing na persons of interest.

“For the 16, we have provided, and are still providing financial and psychosocial assistance,” ayon kay Cacdac.

Ayon naman kay DMW Undersecretary Felicitas Bay, dumating na sa bansa ang 16 na repatriated seafarers noong Mayo 11 at 12. Sinalubong sila ng joint DMW–OWWA team at agad na tinurn-over sa kanilang licensed manning agency (LMA) para sa debriefing at iba pang dokumentasyon.

“We have our legal retainer assisting the two seafarers and the other two… mayroong legal counsel na nakaantabay sa kanila,” ani Bay.

Dagdag pa ni Bay, nakikipag-ugnayan ang DMW sa shipowner upang mapadali ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga seafarer. Tumanggi naman siyang talakayin ang detalye ng kaso dahil ito ay isang lumalabas na paglabag sa Narcotics Control Act ng South Korea at kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon.

Batay sa ulat, dumating ang MV Lunita sakay ang 20 Filipino crew sa Okgye Port, Gangneung, Gangwon Province noong Abril 1. Kinabukasan, nagsagawa ng inspeksyon ang Korea Coast Guard at Seoul Regional Customs Office, base sa impormasyong natanggap mula sa United States Federal Bureau of Investigation (FBI) at Homeland Security Investigations.

Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang mahigit dalawang toneladang cocaine na nakatago sa engine room compartment ng barko—ang pinakamalaking nasabat na ilegal na droga sa kasaysayan ng South Korea.

Ang 16 na seafarers na nakauwi sa Pilipinas ay idinawit sa insidente ngunit kalauna’y inalis sa pagkakasangkot. Sila ngayon ay sumasailalim sa debriefing at monitoring ng DMW, OWWA, at ng kanilang LMA. (Jocelyn Tabangcura Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here