Home METRO 4 menor, kasama baby, nasagip sa sex den sa Surigao; bugaw arestado

4 menor, kasama baby, nasagip sa sex den sa Surigao; bugaw arestado

343
0

CAGAYAN DE ORO CITY — Arestado ang isang babae at nasagip ang apat na biktima, kabilang ang isang sanggol, sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) noong Nobyembre 11 sa Bayabas, Surigao del Sur, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC).

Ayon sa pahayag ng International Justice Mission (IJM) noong Nobyembre 12, pinangunahan ng WCPC Mindanao Field Unit (MFU) sa pamumuno ni Col. Mario M. Baquiran Jr. ang operasyon matapos ang referral mula sa Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC). Ang kaso ng PICACC ay unang nagmula sa referral ng United Kingdom National Crime Agency (UK-NCA).

Naaresto ang suspek na si Leonila Talikig Trangia, na sinasabing ginamit ang mga bata upang lumikha, magbenta, at magpalaganap ng child sexual abuse and exploitation materials (CSAEM) online.

Kabilang sa mga nasagip ang dalawang babaeng menor de edad, isang lalaking menor de edad, at isang walong-buwang sanggol na lalaki.

Ang mga biktima ay nasa kustodiya na ngayon ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Bayabas para sa agarang pagsusuri at interbensyon.

Kasabay ng operasyon, ipinatupad din ng mga awtoridad ang Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) upang makakalap ng ebidensyang digital.

Sa isinagawang on-site forensic examination ng mga tauhan ng Regional Anti-Cybercrime Unit 13, natuklasan ang ilang CSAEM sa cellphone ng suspek, dahilan upang ito’y tuluyang maaresto sa paglabag sa Republic Act No. 11930 (Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act).

Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ni Brig. Gen. Maria Sheila T. Portento, Acting Chief ng WCPC.

Ayon sa pahayag ng WCPC, “Patuloy naming hahabulin ang mga nagsasamantala sa mga bata sa pamamagitan ng online platforms. Ang proteksyon sa mga bata at biktima ng pang-aabuso ang aming pangunahing layunin.”

Ang operasyon ay naisagawa sa tulong ng DSWD-Caraga, MSWDO-Bayabas, NCC-OSAEC/CSAEM, Regional Anti-Trafficking Task Force 13, at IJM.

Sa ilalim ng RA 11930, maaaring makulong habambuhay at pagmultahin ng hanggang ₱5 milyon ang mga mapatutunayang nagkasala, depende sa bigat ng krimen.

Hinimok din ng WCPC ang publiko na magsumbong sa kanilang 24-hour Facebook page: PNP Women and Children Protection Center para sa anumang impormasyon ukol sa online sexual abuse at exploitation ng mga bata. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here