MANILA, Philippines – Sinimulan ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon laban sa apat na pulis na umano’y sangkot sa indiscriminate firing noong pagdiriwang ng Bagong Taon 2026.
Ang mga opisyal, mula sa Surigao del Sur, Iloilo, Parañaque City, at Cagayan de Oro City, ay posibleng matanggal sa serbisyo kung mapatunayang may sala.
Binalaan ni PNP Acting Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga opisyal tungkol sa one-strike policy ng PNP laban sa indiscriminate firing at ipinaalala na bawal gamitin ang service firearms sa mga pagdiriwang.
Tatlo sa mga nasasangkot ay nadisarma at nakakulong, habang hinahanap pa ang ikaapat na pulis sa Cagayan de Oro na nananatiling nasa labas ng kustodiya.
Nagsasagawa rin ang PNP ng imbestigasyon sa iba pang kaso ng indiscriminate firing upang papanagutin ang mga lumalabag. Santi Celario