AKLAN – APAT ang nasawi habang 11 pa ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa mga lalawigan ng Aklan at Antique nitong Lunes ng umaga, Mayo 19.
Tatlo sa mga nasawi ay mula sa New Washington, Aklan. Kinilala ang mga biktima na sina Dr. Beonify dela Cruz Opinion, isang guro sa Aklan State University (ASU) – New Washington campus; Donny Peralta; at ang driver ng tricycle na si Wilson Algarne.
Ayon sa imbestigasyon, tinamaan at inararo ng isang tanker truck ang sinasakyan nilang tricycle sa isang kurbadang bahagi ng kalsada. Inamin ng truck driver na si Ramil Fernandez na nakatulog siya habang nagmamaneho.
Sa Pandan, Antique naman, isang driver ng wing van ang nasawi matapos bumangga sa isang pampasaherong Ceres bus habang binabaybay ang isang kurbadang kalsada. Ang van ay lumihis sa linya nito batay sa CCTV footage at sumalpok nang diretso sa bus, dahilan upang sumadsad ang bus sa isang bahay.
Walong pasahero ng bus ang nasaktan at wala namang nasugatan sa loob ng bahay na nabangga.
Lahat ng sugatan ay agad na dinala sa ospital para sa lunas habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa dalawang magkahiwalay na insidente. Mary Anne Sapico