BULACAN, Philippines – Matagumpay na sinilbihan ng mga awtoridad ng Warrant of Arrest (WOA) ang apat na indibiduwal na umanoy sangkot sa maanomalyang flood control project nitong June 5.
Sa report ni PLTCOL Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria police station, isinilbi ng mga warrant operatives ang WOA sa tatlong akusado na sina alyas “Jun”, 51, alyas “JP”, 41 at alyas “Brice”, 40 na kasalukuyang nakakulong sa New Quezon Jail sa Brgy. Silangan, Quezon City.
Ayon sa report, ang tatlo ay kinasuhan ng Malversation of Public Funds or Property under Article 217 of the Revised Penal Code through Falsification of Public Documents in relation to Articles 171(4) and 48 of the Revised Penal Code under Criminal Case No. 3573-M-2026 na walang inirekomendang piyansa.
Samantala, sa report ni PMAJ Mark Anthony Tiongson, OIC of the Provincial Intelligence Unit (PIU), ang tracker team nila katuwang ang Regional Intelligence Division, Regional Intelligence Unit 3, Provincial Intelligence and Detective Management Unit, Regional Special Operations Group, 1st Provincial Mobile Force Company, Bustos, Malolos at Santa Maria police station ang nangasiwa para mapadali ang boluntaryong pagsuko ng isang akusadong 63 anyos ng Brgy. Tanawan, Bustos bandang 10:50 ng gabi sa kanilang kampo sa Brgy. Guinhawa, Malolos City.
Nabatid na ang akusado ay sangkot umano sa flood control project anomalies sa lalawigang ito at inaresto sa bisa ng WOA na inisyu ng RTC Branch 20, Malolos City na wala ring inirekomendang piyansa.
Sinasabing ipinaalam sa akusado ang kanyang constitutional rights at kasalukuyang nasa kustodiya ng yunit na humuli sa kanya. (Dick Mirasol III)