Home METRO 40 indibidwal nalambat sa ‘Oplan Galugad’ ng Parañaque police

40 indibidwal nalambat sa ‘Oplan Galugad’ ng Parañaque police

MANILA, Philippines – Sa pagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ operations ng Parañaque City police ay nasa 40 indibidwal kabilang ang ilang menor de edad ang nasita at nahuli na lumabag sa iba’t-ibang ordinansa ng lungsod sa Brgy. San Dionisio nitong nakaraang Biyernes, Marso 1.

Ayon kay Parañaque City police chief P/Col. Reycon Garduque, ang layunin ng kanilang pagsasagawa ng “Oplan Galugad” operations ay nakasentro sa paghuli ng mga most wanted individuals gayundin sa mga lumabag sa ipinatutupad na ordinansa sa lungsod.

Sinabi ni Garduque na sa mga nadakip ay apat ang may mga warrant of arrest at isa dito ay tinaguriang most wanted person na sangkot sa mga insidente ng pamamaril hindi lamang sa lungsod kundi pati na rin sa kalapit na lungsod ng Las Pinas.

Ang dalawa pang inarestong indibidwal na may mga warrant of arrest ay may kinalaman sa ilegal na droga partikular ang shabu habang ang isa namang hinuli ay sangkot sa kasong pagnanakaw sa kanyang amo sa halagang P1,800.

Dagdag pa ni Garduque, kabilang din sa mga nadakip sa isinagawang operasyon ay ang dalawang indibidwal na umiinom ng alak sa labas ng kanilang bahay habang ang mga nasitang menor de edad na hatinggabi na ay nasa kalsada pa rin ay pinagsabihan bago pinauwi sa kanilang mga tahanan. James I. Catapusan

Previous articleDBM naglabas ng mahigit P175.9M sa grants-in-aid program ng health, research, development council
Next article14 NPA rebels patay sa mga sagupaan sa Visayas noong Pebrero