MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Asian Development Bank (ADB) ang $400-milyong pautang upang suportahan ang mga reporma ng pamahalaang Pilipino sa ilalim ng Business Environment Strengthening with Technology (BEST) Program.
Layunin ng pautang na pasimplehin at gawing mas transparent ang regulatory requirements, pasiglahin ang pamumuhunan sa mahahalagang sektor, at palakasin ang digital na serbisyo ng gobyerno.
“Ang pribadong sektor ay mahalagang makina ng paglago at paglikha ng trabaho. Hindi matatawaran ang kanilang papel sa kabuuang pag-unlad ng bansa,” ayon kay Andrew Jeffries, ADB country director para sa Pilipinas.
Aniya, layunin ng programa na lumikha ng mas maayos na kapaligiran para sa mas dinamiko at lumalagong sektor ng negosyo.
Binanggit ng ADB ang ranggo ng Pilipinas noong 2024—ika-52 sa 67 bansa sa World Competitiveness Ranking at ika-36 sa 50 sa operational efficiency—bilang patunay ng mga regulasyong nakakapagpabagal sa bagong negosyo, lalo na sa micro, small, at medium enterprises.
Nilalayon ng programa na bawasan ang ganitong hadlang, pagandahin ang karanasan ng mga mamumuhunan sa pamamagitan ng online guides at digital database, at hikayatin ang pamumuhunan sa mga sektor tulad ng renewable energy at digital infrastructure. RNT