MANILA, Philippines – Umabot na sa 4,161 ang naitalang aftershock kasunod ng magnitude 6.9 na yumanig sa Bogo City, Cebu hanggang nitong Biyernes, Oktubre 3, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa update, sinabi ng PHIVOLCS na 21 sa mga ito ang naramdaman. Ang lakas ng mga aftershock na ito ay mula magnitude 1.0 hanggang 5.1.
Samantala, umabot na sa 68 ang bilang ng mga nasawi sa lindol ayon naman sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Nauna nang sinabi ni PHIVOLCS director Dr. Teresito Bacolcol na inaasahan ang mas marami pang aftershock kasunod ng malakas na lindol.
“Inaasahan natin na magkakaroon pa ng mga aftershocks in the next few days. Sometimes the aftershocks would last for several weeks,” ani Bacolcol.
“Habang tumatagal naman, bumababa ang number ng aftershocks natin, and humihina din yung magnitude,” dagdag pa niya.
Inabisuhan niya ang mga residente na kumonsulta muna sa mga eksperto bago bumalik sa kanilang mga tirahan.
“If there are visible damages sa mga istruktura kung saan sila nakatira, huwag muna silang pumasok,” anang opisyal.
“They have to consult their municipal or city engineers kasi kung hindi man ito totally na-damage during the main shock, baka ma-damage ito totally during a strong aftershock,” dagdag pa nito. RNT/JGC