MANILA, Philippines – Ibinunyag ni DPWH secretary Vince Dizon na kabuuang 421 mula sa 8,000 nainspeksyon na flood control projects sa buong bansa ang “ghost projects”.
Iniulat ni Dizon ang kanyang mga natuklasan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos ang ilang araw niyang pag-iinspeksyon sa mga proyekto ng gobyerno na nabanggit na ‘completed’ o natapos na base sa rekord ng ahensya.
Sa tulong ng Department of Economy, Planning and Developemnt (DEPDev) o dating National Economic and Development Authority (NEDA) gayundin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), sinabi ni Dizon na natuklasan nila na daan-daan na dapat sanang nakumpleto nang flood contol projects ang hindi talaga makita.
Ayon kay Dizon, inisyal pa lamang ito pero karamihan aniya ay sa Luzon.
Idinagdag pa na mas marami pang matutuklasan kapag ininspeksyon ng DPWH ang iba pang flood control projects.
Nakatutok naman ngayon ang DPWH at kanilang partner agencies sa ghost projects dahil ito ang mas madaling matukoy para sa case build-up.
Sinabi naman ni ICI Executive Director Brian Hosaka na malaking tulong ang report ni Dizon sa mga tuntunin ng pangangalapa ng datos at impormasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden