MANILA, Philippines – Nagbabala ang PAGASA na posibleng umabot sa “danger level” ang heat index sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) weather station sa Pasay City at 36 pang lugar sa bansa ngayong Lunes, Mayo 18.
Ayon sa PAGASA, inaasahang aabot sa 42°C ang heat index sa NAIA, habang ang pinakamataas ay posibleng umabot sa 45°C sa Coron, Palawan; San Jose, Occidental Mindoro; at Cuyo, Palawan.
Kabilang sa iba pang lugar na makakaranas ng matinding init ay Dagupan City, Cavite City (Sangley Point), Roxas City, Laoag City, Tuguegarao City, Zamboanga City, Butuan City, Tacloban City, at iba pang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, na may heat index na mula 42°C hanggang 44°C.
Ayon sa PAGASA, ang heat index ay sukatan ng pakiramdam na init batay sa temperatura at humidity ng hangin.
Nasa “danger” level ang heat index na 42°C hanggang 51°C dahil maaaring magdulot ito ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke kapag matagal na na-expose sa init ng araw.
Pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na limitahan ang paglabas, uminom ng maraming tubig, iwasan ang kape, tsaa, softdrinks at alak, gumamit ng payong o sumbrero, magsuot ng preskong damit, at iwasan ang mabibigat na aktibidad sa tanghali upang makaiwas sa sakit dulot ng matinding init. RNT/MND