Home LIFESTYLE HEALTH 43 kaso ng leptospirosis naitala sa Kyusi

43 kaso ng leptospirosis naitala sa Kyusi

265
0

MANILA, Philippines – Nag-ulat ng 43 bagong kaso ng leptospirosis ang Quezon City government noong Linggo, Agosto 3, kasunod ng patuloy na pagbuhos ng ulan na dala ng sunud-sunod na tropical cyclone at habagat.

Ayon sa Epidemiology and Surveillance Division ng Quezon City Health Department (QCESD), lumampas ang lungsod sa epidemic threshold matapos makapagtala ng 43 bagong kaso mula Hulyo 24 hanggang 30 lamang.

“Dahil sa pag-ulan noong mga nakaraang linggo, nakikita natin ‘yung pagtaas ng kaso ng Leptospirosis. Aabot sa 178 kaso na ang naitala natin ngayong taon, halos 23% mas mataas sa recorded cases natin last year from January to July 30,” saad ni Dr. Rolly Cruz, Epidemiology and Surveillance Division chief.

Ang ulat ng QCESD ay nagpapakita na higit sa kalahati ng mga kaso (99) ay may direktang exposure sa tubig-baha, habang 34 na mga kaso ay nauugnay sa iba pang mga pinagmumulan ng kontaminadong tubig.

Ang leptospirosis ay sanhi ng bakterya na kumakalat sa pamamagitan ng ihi o dumi ng mga nahawaang hayop, karamihan sa mga daga, at nakakaapekto sa kapwa tao at hayop.

Hinimok ng QC government ang mga residenteng na-expose sa tubig-baha na kumuha ng post-exposure prophylaxis, na kinabibilangan ng libreng doxycycline treatment na makukuha sa lahat ng 66 health centers sa buong lungsod.

Pinayuhan din ang mga residente na humingi ng medikal na atensyon sakaling makaranas sila ng mga sintomas tulad ng lagnat, pagsusuka, pagduduwal, pananakit ng kalamnan, at pananakit ng ulo.

Nauna nang sinabi ng Department of Health na nakaalerto sila sa inaasahang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa bansa kasunod ng mga linggong pag-ulan at pagbaha dala ng sama ng panahon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here