Home METRO 4,579 Manilenyo lumikas sa hagupit ng habagat; MDSW, tuloy-ayuda

4,579 Manilenyo lumikas sa hagupit ng habagat; MDSW, tuloy-ayuda

1
0

MANILA, Philippines — Mas dumami pa ang mga Manilenyong napilitang lumikas dahil sa patuloy na pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat, kung saan umabot na sa 4,579 indibidwal mula sa 1,555 pamilya ang nasa iba’t ibang evacuation center sa lungsod.

Batay sa pinakabagong Evacuation Update as of 6:00 ng umaga, Agosto 18, 2026, kabilang sa mga apektadong lugar ang mga barangay sa anim na distrito ng Maynila at Baseco.

Pinakamarami pa rin ang evacuees sa District III, na may kabuuang 1,708 indibidwal mula sa 653 pamilya. Kabilang dito ang mga pansamantalang nanunuluyan sa Regidor Elementary School, T. Alonzo High School at P. Guevara Elementary School.

Sumunod ang District VI, kung saan umabot sa 1,109 indibidwal mula sa 351 pamilya ang lumikas sa iba’t ibang evacuation center, kabilang ang BMA Building, Don Bosco School, Barangay 894 Multi-Purpose Hall at iba pang evacuation sites.

Sa Baseco, nasa 621 indibidwal mula sa 207 pamilya ang kasalukuyang nasa Baseco Evacuation Center.

Samantala, may 571 indibidwal mula sa 160 pamilya sa District II, habang 301 indibidwal mula sa 103 pamilya naman ang nasa District IV.

Sa District V, nasa 136 indibidwal mula sa 48 pamilya ang nailikas, habang 133 indibidwal mula sa 33 pamilya naman ang nasa Barangay 105 Covered Court sa District I.

Kasabay ng patuloy na pagdami ng evacuees, todo-arangkada naman ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa paghahatid ng ayuda at serbisyo sa mga pamilyang naapektuhan ng Habagat.

Sa pangunguna ni MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, patuloy na naghahatid ang MDSW ng hot meals, breakfast, bottled water, sleeping mats, kits, food boxes at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga evacuee.

Nakasaad sa pinakahuling ulat na naipamahagi na ang breakfast/hot meals at bottled water, habang patuloy din ang pagbibigay ng sleeping mats sa mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers.

Isinasagawa ang tuloy-tuloy na relief at evacuation operations sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Manilenyong apektado ng masamang panahon.

Patuloy namang nakaantabay ang MDSW at iba pang response teams sa mga evacuation center upang agad na matukoy at matugunan ang karagdagang pangangailangan ng mga evacuee habang nagpapatuloy ang epekto ng Habagat.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaang lungsod na patuloy ang kanilang pagkilos upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga Manilenyong nangangailangan sa gitna ng patuloy na pag-ulan at pagbaha. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here