MANILA, Philippines – Umabot na sa 812 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa Quezon City hanggang Setyembre 9, mas mataas ng 40% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QC-ESD).
Sinabi ni QC-ESD chief Rolly Cruz na 48 na ang naitalang nasawi ngayong taon, mas mababa kumpara sa 97 deaths sa kaparehong panahon noong 2025.
Nananatili rin umanong lampas sa epidemic threshold ang lungsod mula pa Week 34 o kalagitnaan ng Agosto.
Iniuugnay ng QC-ESD ang pagtaas ng kaso sa sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat, na naglalantad sa mga residente sa posibleng kontaminadong tubig-baha.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Commonwealth, kasunod ang Tatalon, Payatas at Batasan Hills.
Gayunman, nilinaw ni Cruz na hindi nangangahulugang sa mga naturang lugar nahawa ang lahat ng pasyente dahil maaaring nalantad ang ilan habang nagtatrabaho o bumibiyahe sa ibang lugar.
Umaabot mula 4 hanggang 80 taong gulang ang mga pasyente, habang nasa 30 ang average age at mahigit 80% ay lalaki.
Binigyang-diin din ng health official ang kahalagahan ng maagang pagpapakonsulta, lalo na sa mga nalusong sa baha, dahil maaari umanong lumitaw ang sintomas ng leptospirosis ilang araw hanggang halos isang buwan matapos ang exposure.
Pinapayuhan ang mga residente na umiwas hangga’t maaari sa tubig-baha at agad magpakonsulta kapag nalantad dito. Santi Celario