MANILA, Philippines — Aabot sa 49 na lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng “danger” level heat index na 42–47°C ngayong Huwebes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), habang patuloy ang mainit at mahalumigmig na kondisyon sa buong bansa.
Pinakamataas na “feels-like” temperature na aabot sa 47°C ang posibleng maranasan sa Butuan City at Hinatuan, Surigao. Maaari namang umabot sa 45°C ang Borongan City, Camiling sa Tarlac, at San Ildefonso sa Bulacan.
Nasa 44°C naman ang heat index sa ilang lugar kabilang ang Casiguran, Aurora; Cavite City; Coron at Cuyo sa Palawan; Dipolog City; Dumangas at Iloilo City sa Iloilo; Maasin City; Surigao City; at Tuguegarao City.
Samantala, inaasahang aabot sa 43°C sa mga lugar tulad ng Alabat at Infanta sa Quezon; Baler sa Aurora; Catarman sa Northern Samar; Daet sa Camarines Norte; Dagupan City; Echague sa Isabela; Guiuan sa Eastern Samar; Juban sa Sorsogon; Masbate City; Science City of Muñoz; Olongapo City; Pasay City; San Jose sa Occidental Mindoro; Tacloban City; Tanauan City; at Zamboanga City.
Nasa 42°C naman ang heat index sa Aborlan sa Palawan; Baybay City; Bayombong sa Nueva Vizcaya; Calapan City; Catbalogan City; Davao City; Iba sa Zambales; Legazpi City; Los Baños sa Laguna; Mabalacat City; Mambusao sa Capiz; Pili sa Camarines Sur; Puerto Princesa City; Quezon City; Siquijor sa Siquijor; Tarlac City; at Tayabas City.
Nagpaalala ang PAGASA na sa ilalim ng “danger” level heat index, posible ang heat cramps at heat exhaustion, habang ang matagal na pagkabilad sa init ay maaaring mauwi sa heat stroke.
Noong Miyerkules, naitala ang pinakamataas na heat index na 47°C sa Butuan City at Hinatuan.
Bukod sa matinding init, posible pa rin ang mga panaka-nakang thunderstorm sa hapon o gabi, lalo na sa Northern at Central Luzon at Mindanao.
Ayon pa sa PAGASA, nananatili sa Philippine Sea ang natitirang low pressure area ng Tropical Cyclone “Caloy,” na huling namataan 685 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes alas-3 ng madaling araw nitong Huwebes. Hindi na ito inaasahang muling lalakas at posibleng tuluyang maglaho sa weekend. Santi Celario