Home NATIONWIDE 4Ps beneficiaries hinikayat na kumuha ng murang SSS insurance

4Ps beneficiaries hinikayat na kumuha ng murang SSS insurance

Hinimok ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na magparehistro bilang miyembro ng Social Security System (SSS) upang makinabang sa abot-kayang social insurance na inaalok nito.

Sa ilalim ng 4Ps AlkanSSSya Program, magkakaroon ng access ang mga benepisyaryo sa murang insurance na sumasaklaw sa pagkawala ng kita, pagkakasakit, at iba pang benepisyo, kung saan ang buwanang premium ay sasagutin ng mga benepisyaryo mismo.

Ang programa ay ipinatupad sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan ng DSWD at SSS noong Hulyo 2024.

Kasama sa kasunduan ang paggawa ng isang contribution subsidy table na nakabase sa isang actuarial study at sa kakayahan ng mga benepisyaryo na magbayad ng minimum na P570 buwanang halaga.

Ayon kay Marie Grace Ponce, ang hepe ng 4Ps Social Marketing Division, layunin ng programa na turuan ang mga benepisyaryo na mag-ipon at maghulog sa kanilang SSS upang magkaroon sila ng social insurance na makakatulong sa mga oras ng pagkakasakit, panganganak, tulong sa libing, at iba pa. Dagdag pa niya, ang layunin ng programa ay matulungan ang mga benepisyaryo ng 4Ps na magtagumpay at makalabas sa kahirapan.

Hinihikayat ang mga interesadong benepisyaryo ng 4Ps na makipag-ugnayan sa SSS o sa kanilang lokal na opisina sa lungsod o bayan upang makakuha ng karagdagang impormasyon ukol sa AlkanSSSya Program. Santi Celario