Patay ang limang miyembro ng Citizens Geographical Unit (CAFGU) habang tatlong iba pa kabilang ang isang militar ang sugatan naman matapos tamaan ng bala at masabugan ng bombang itinanim ng mga rebeldeng komunista na nabibilang sa Bicol Regional Party Committee of the Communist Party of the Philippines/ New People’s Army (CPP/NPA) sa Sitio Pag- asa, Brgy. Mapulot, malapit sa boundaries Tagkawayan, Quezon at Labo, Camarines Norte sa Bicol region.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Cesar Sales, Jeffrey San Antonio, Aljohn Rapa, Johnwell Perez, Jomari Guno, pawang mga residente ng Tagkawayan, Quezon at miyembro ng CAFGU sa ilalim ng 85th Infantry Battalion ng Army’s 201st Infantry Brigade.
Kinilala naman ang sugatan na sina Corporal Marvijun Oller, Jr., Lauro De Guzman at Regie Macalintal, pawang residente rin Tagkawayan.
Batay sa report mula sa tanggapan ni Quezon police director Col. Ledon Monte, alas- 7:22 ng umaga nang maganap ang insidente sa pagitan ng mga puwersa ng pamahalaan sa pangunguna ni Oller at ng mga rebelde sa nasabing barangay
Tumagal ng halos 30 minuto ang bakbakan kung saan pawang armado ng mahahabang armas at bomba ang mga rebelde.
Ngunit umatras din ang mga rebeldeng ito tangay ang mga kabaro nilang sugatan.
Ayon kay Monte, pawang nagsasalita ng Bicol at nakasuot ang mga ito ng pulang bandana at itim na kamison ang mga rebeldeng nakipagsagupa sa labanan at sinasabing tipikal na kasuotan ng mga rebeldeng nakabase sa Bicol.
Dahil dito, lalong pinaigting ni Monte ang pagbabantay sa seguridad ng nasabing lugar kaya’t nagpakalat ito ng mga karagdagang kagawad ng Regional Mobile Force Battalion at 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company para suportahan ang 85th IB troops.
Hinigpitan din ang pagsasagawa ng checkpoint operations ng PNP at ng AFP sa pakikipagkoordinasyon ng COMELEC sa mga nabanggit na lugar.
Isa-isa ring pinuntahan ng mga awtoradad ang mg akalapit na ospital at clinic na kugn mayrrong dinalang sugatang rebeleng komunista rito.
Ang Bicol region ay kilala bilang balwarte ng CPP/ NPA. Noong nakaraang dekada, maraming pananambang at pagsalakay ang ginawa ng rebeldeng komunista sa Southern part ng Quezon na pinalala pa ng mga Bicol- based rebels mula sa boundaries.
Ang Quezon ay may mga boundaries sa probinsya ng Camarines Sur, Camarines Norte at Masbate na nagbibigay opurtunidad sa mga rebeldeng Bicolanong NPA na makapagpadala ng suporta sa kanilang mga kapwa rebelde sa mga bayan sa Southern Quezon kung kinakailangan.
Matatandaan na ang Quezon ay dineklara na bilang insurgency- free province noong June 12 kasabay ng 125th Philippine Independence Day celebration kung saan pinangunahan ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan ang province-wide declaration ng Stable Internal Peace and Security (SIPS).
Kasunod ng pinagsamang pagkilos ng militar at kapulisan, ang mga local government units, national government agencies at civic groups, ang 39 na munisipalidad at dalawang siyudad ay dineklara bilang mga insurgency- free. RNT