MANILA, Philippines – Nagpakawala ng tubig ang limang dam sa Luzon dahil sa tuloy-tuloy na malalakas na ulan dala ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa PAGASA ngayong Martes, Hulyo 22.
Ayon kay PAGASA weather specialist Juan Paolo Pamintuan, ito ay ang La Mesa Dam sa Quezon City; Upper Wawa Dam sa Rodriguez, Rizal; Ipo Dam sa Bulacan; at Ambuklao at Binga Dam sa Benguet.
Sinabi ni Pamintuan na ang La Mesa Dam ay umapaw nang maabot nito ang lebel ng tubig na 80.17 metro, mas mataas sa normal level nitong 80.15 metro.
Inaasahang maaapektuhan nito ang low-lying areas sa paligid ng Tullahan River na tumatawid sa Quezon City, Valenzuela City, Caloocan City, Malabon City, at Navotas.
Nagsimula na ring umapaw ang tubig sa Upper Wawa Dam nitong Lunes ng gabi at maaari namang makaapekto sa Pasig-Marikina River na bumabagtas sa San Mateo, Rodriguez, Antipolo, Quezon City, Marikina, Pasig, San Juan, Mandaluyong at Manila.
“In-inform tayo ng LGUs ng Rizal at Marikina na nakapag-preemptive evacuation sila. Currently, overflowing pa rin ang Upper Wawa Dam at dinadaanan niyan ang Pasig-Marikina River,” sinabi ni Pamintuan sa panayam ng DZBB.
Nagbukas naman ang Ipo Dam ng isang gate at maaaring magdulot ng pagbaha sa mga kalapit na lugar ng Angat River.
Ang lebel ng tubig dito ay nasa 100.28 metro na mababa pa sa normal water level na 101.1 metro.
Samantala, ang Ambuklao at Binga Dam ay nagbukas ng tatlong gate na tig-1.5 metro ang lawak nitong weekend para magpakawala ng tubig.
“Ang baha natin, maliit lang contribution ng dam. Most of the contribution ng baha ay galing sa ulan,” ani Pamintuan.
“Although mababa, hindi pa rin sya negligible. Mayroon pa rin siyang epekto,” dagdag pa niya. RNT/JGC