MANILA, Philippines – Tinukoy ng Philippine Ports Authority (PPA) nitong Martes ang hindi bababa sa limang daungan bilang “kritikal” sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero para sa Undas 2025.
Sinabi ni PPA Spokesperson Eunice Samonte na kabilang sa mga daungan na may inaasahang pinakamataas na bilang ng mga biyahero sa long weekend ay ang Iloilo Port, Batangas Port, at ang Jordan Port sa Guimaras.
Gayundin ang Calapan Port sa Oriental Mindoro at BREDCO Port sa Bacolod City.
Nasa 2.2 milyong pasahero ang inaasahang bibiyahe sa pamamagitan ng mga daungan sa panahon ng Undas mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5, ayon sa PPA.
Bilang bahagi ng kanilang paghahanda, sinabi ni Samonte na itinaas ang heightened alert sa limang daungan.
Nagsagawa rin ang PPA ng random drug test sa lahat ng tauhan sa buong bansa at nag-set up ng mga X-ray scanner sa lahat ng 130 daungan upang maiwasan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na bagay tulad ng matutulis na bagay, paputok, at nasusunog na likido.
Naglagay na rin ng Malasakit Help Desks sa mga daungan at hindi bababa sa 3,000 security personnel ang ipinakalat upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Noong Undas 2024, sinabi ng PPA na may pinakamataas na bilang ng mga pasahero ang naiulat sa Iloilo Port na may 218,916, sinundan ng Jordan Port na may 112,793, Batangas Port na may 10,792, Calapan Port na may 83,785, at BREDCO Port na may 79,360. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)