Home METRO 5 mangingisda arestado sa blast fishing sa OccMin

5 mangingisda arestado sa blast fishing sa OccMin

1
0

OCCIDENTAL MINDORO, Philippines — Arestado ang limang mangingisda sa magkasanib na operasyon ng pulisya at Bantay Dagat dahil sa umano’y paggamit ng pampasabog sa pangingisda sa karagatang sakop ng Looc, Occidental Mindoro, nitong Linggo ng hapon.

Ayon sa mga awtoridad, nasabat ng mga tauhan ng Looc Municipal Police Station at lokal na Bantay Dagat ang grupo dakong alas-5:30 ng hapon, mga 800 metro mula sa baybayin ng Barangay Bulakan, matapos umanong mamataan na gumagamit ng hinihinalang pampasabog habang nangingisda.

Nasamsam ang humigit-kumulang 100 kilo ng iba’t ibang uri ng isda, isang compressor at mga kaugnay na kagamitan, fishing gear, dalawang makina ng bangka, at isang hindi rehistradong navy blue na de-motor na bangka.

Hindi rin naipakita ng mga sakay ang kinakailangang dokumento para sa rehistro ng sasakyang-pandagat at mga mangingisda.

Narekober din ang dalawang lalagyan na may mga sangkap na hinihinalang ammonium nitrate, gayundin ang isang bote ng salamin na may nakakabit na blasting cap at binalutan ng electrical tape. Pinaghihinalaang mga bahagi ang mga ito ng isang improvised explosive device.

Tinatayang hindi bababa sa ₱126,000 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang bagay.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10654, na nag-amyenda sa Philippine Fisheries Code, sa Office of the Provincial Prosecutor sa Occidental Mindoro. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here