Home NATIONWIDE 5 pasaherong hinihinalang biktima ng human trafficking, nagpanggap na turista

5 pasaherong hinihinalang biktima ng human trafficking, nagpanggap na turista

MANILA, Philippines – NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang limang pasaherong nagpangap na mga turista ngunit hinihinalang biktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang mga babaeng pasahero ay nahuli noong Mayo 30 dahil sa maling representasyon kung saan tinanggihan na silang makasakay sa kanilang mga flight.

Apat sa mga pasahero ang nagnanais na magtungo sa Bangkok, Thailand, habang ang isa ay patungo sa Singapore.

Ayon sa ulat mula sa travel control and enforcement unit (TCEU) ng BI, ipinakita ng mga kababaihan ang mga pekeng employment documents at cancelled hotel reservations.

Nabatid pa na ang kanilang mga isinasagot sa ginawang pagtatanong sa kanila ng mga opisyal ng BI ay hindi pare-pareho at nagsiwalat ng mga pagkakaiba tungkol sa uri ng kanilang trabaho sa Pilipinas.

Nagpahayag ng pagkabahala si Tansingco sa posibilidad na ang apat na pasaherong patungo sa Bangkok ay maaaring nabiktima ng trafficking scheme.

Isa sa mga pasahero ang umamin na nagtatrabaho bilang isang news and current events researcher para sa isang major news network, ngunit kalaunan ay umamin na siya ay natanggap bilang isang office staff sa Thailand na may ipinangakong buwanang suweldo na P30,000.

Ayon naman sa pasahero na patungo sanang Singapore, inamin naman nito na siya ay natanggap bilang isang entertainer sa isang nightclub.

Matapos maharang ang mga nasabing kababaihan ay dinala ang mga ito sa kustodiya ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon.

Pinuri ni Tansingco ang pagbabantay ng mga opisyal ng BI sa NAIA, na idiniin na ang kanilang mga aksyon ay nagbunga ng pagsagip sa posibleng pang-aabuso at pagsasamantala sa mga indibidwal na ito sa mga dayuhan. JAY Reyes

Previous articleBernadeth Pons lalaro sa Creamline sa PVL Invitational
Next articleASEAN Para Games: PH men’s 3X3 wagi vs Indonesia