MANILA, Philippines – Plano ng administrasyong Marcos na magtayo ng limang rainwater impounding facilities sa Metro Manila upang makatulong na mabawasan ang pagbaha, lalo na tuwing malakas ang ulan at high tide.
Inilahad ang proyekto sa pulong na pinangunahan ni Executive Secretary Ralph Recto kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Itatayo ang mga pasilidad sa Camp Aguinaldo at Miriam College sa Quezon City; Remedios Circle at Rajah Sulayman Park sa Malate, Manila; at ASEAN Garden sa Cultural Center of the Philippines Complex sa Pasay City.
Aabot sa 107,600 cubic meters ang kabuuang kapasidad ng limang pasilidad. Pinakamalaki ang Camp Aguinaldo na kayang mag-imbak ng 50,000 cubic meters, habang 30,000 cubic meters naman ang kapasidad ng Miriam College.
Ang Remedios Circle ay may 10,000 cubic meters, Rajah Sulayman Park na 8,000 cubic meters, at ASEAN Garden na 9,600 cubic meters.
Aabot sa P4.05 bilyon ang tinatayang kabuuang halaga ng mga proyekto, na sasailalim pa sa government review, approval, budgeting at procurement. MMDA ang mangangasiwa sa implementasyon.
Ayon kay Recto, layunin ng proyekto na pansamantalang pigilan at iimbak ang tubig-ulan bago ito makapagdulot ng pagbaha sa mga komunidad.
Nakumpleto na rin ng MMDA ang feasibility study para sa 39 na catchment at nature-based flood mitigation sites sa Metro Manila. RNT/MDS