MANILA, Philippines – Nagsampa ng limang bilang ng kasong estafa at paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act ang limang pet owner laban sa apat na indibidwal, kabilang ang may-ari ng Ahjay Paws Pet Crematorium sa Bacoor, Cavite.
Tinulungan sila ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa paghahain ng reklamo sa Department of Justice.
Kaugnay ito ng pagkakatuklas sa mga labi ng kanilang mga alagang hayop na sina Jennifer, Harley, Chichay, Sweet at Crunch na dapat sana ay sinunog sa crematorium ngunit itinapon umano sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay PAWS Executive Director Atty. Anna Cabrera, kabilang ang limang aso sa 25 bangkay ng mga hayop na narekober sa lugar noong nakaraang buwan.
Batay rin umano sa pagsusuri ng NBI, hindi abo ng mga alagang hayop ang laman ng mga urn na ibinigay sa kanilang mga may-ari kundi silicon, iron, potassium at aluminum.
Kabilang sa mga respondent sa reklamo ang may-ari ng Ahjay na si Jonathan Legaspi, gayundin sina Jeffrey at Jenina Haylar at Reiner PeƱaflor.
Sinabi ni Cabrera na nagpapatuloy ang kanilang case build-up upang makapaghain din ng kasong syndicated estafa laban sa mga respondent. Kailangan umano ng hindi bababa sa limang respondent upang maisampa ang naturang kaso.
Samantala, sinabi ng isa sa mga pet owner na si Ken Del Valle na layunin nilang panagutin ang mga sangkot at bigyang-babala ang iba pang pet owner upang hindi na maulit ang insidente. RNT/MDS