Home NATIONWIDE 5 posibleng lokasyon ng nuclear power plant sa Pinas, tinukoy ng DOE

5 posibleng lokasyon ng nuclear power plant sa Pinas, tinukoy ng DOE

1
0

MANILA, Philippines – Tinukoy at sinuri na ng Department of Energy (DOE) ang limang posibleng lokasyon ng nuclear power plant sa Bataan, Palawan, Masbate, Pangasinan, at Camarines Norte bilang bahagi ng paghahanda ng Pilipinas sa paggamit ng nuclear energy.

Ayon sa DOE, sumailalim ang mga lugar sa paunang pagsusuri at sa inspeksiyon ng International Atomic Energy Agency (IAEA) upang mapalakas ang teknikal na batayan sa pagpili ng magiging lokasyon ng unang nuclear power plant ng bansa.

Sinabi ni DOE Undersecretary Giovanni Bacordo na kasalukuyang tinutugunan ng pamahalaan ang mga kinakailangang imprastraktura at iba pang rekisito sa ilalim ng IAEA Milestones Approach habang naghahanda ang bansa para sa Phase 2 ng nuclear energy program.

Kabilang sa mga pinag-aaralan ang iba’t ibang paraan ng pagpopondo, tulad ng public-private partnerships, consortium arrangements, build-own-operate models, at vendor-supported mechanisms.

Patuloy ring inaayos ng DOE ang mga usapin sa power grid, kaligtasan at seguridad, legal at regulatory framework, emergency preparedness, pamamahala ng nuclear waste, at pagsasanay ng mga manggagawa para sa industriya.

Ayon sa DOE, tumaas din ang pagtanggap ng publiko sa nuclear energy, batay sa survey ng Social Weather Stations kung saan umakyat ang suporta mula 79% noong 2019 tungo sa 82% noong 2024.

Binigyang-diin ng DOE na layunin nitong tiyaking handa ang Pilipinas sa aspetong institusyonal, teknikal, pinansyal, at regulasyon bago itayo at patakbuhin ang unang nuclear power plant ng bansa. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here