ILOCOS SUR, Philippines – Arestado ang limang kalalakihan matapos maaktuhan ng mga awtoridad na nagsusugal sa bayan ng Cabugao ng lalawigang ito kagabi.
Ayon sa Cabugao Municipal Police Station, ang mga suspek ay pawang mga residente ng naturang bayan na ang mga edad ay 50, 59, 46, 60 at 43.
Bandang 11:55 ng gabi nang magsagawa ng anti-illegal gambling operation ang mga personnel ng Cabugao MPS na nagresulta sa pagkakaaresto ng limang suspek na nagsusugal sa pamamagitan ng card game na ‘Lucky 9’.
Sa naturang operasyon ay nakarekober ng mga awtoridad ng isang set ng baraha at bet money na P10,087.
Ang mga suspek at pati na ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa presinto para sa tamang disposisyon.ROLANDO S. GAMOSO