Home METRO 5 suspek timbog sa P408K shabu sa Pateros

5 suspek timbog sa P408K shabu sa Pateros

MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga tauhan ng Pateros Municipal Police Station ang bahay ng isang suspect na may warrant of arrest na nagresulta sa pagkakadakip ng limang katao na di-umanoý sangkot sa aktibidad ng ilegal na droga Biyernes ng gabi, Mayo 24.

Kinilala ang mga inarestong suspects na sina alyas Charlie, 55, na siyang target sa naturang operasyon; alyas Kim, 37; alyas Jerome, 31; alyas Ryan, 36; at isang alyas Romar, 39.

Base sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang pagdakip sa mga suspects dakong alas 7:55 ng gabi sa mismong bahay ni alyas Charlie sa Brgy. Tabacalera, Pateros, Metro Manila.

Ang pagsalakay ng mga operatiba ng Pateros police ay naisakatuparan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Pasig City Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Maria Gracia A. Cadiz-Casaclang ng Branch 155.

Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspects ang 15 transparent plastic sachets na naglalaman ng 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000.

Bukod pa sa hinihinalang shabu ay nakumpiska rin ng mga operatiba ang isang kalibre .45 pistola na kargado ng apat na bala, iba’t-ibang uri ng drug paraphernalia, timbangan at kulay itim na belt bag.

Ang nakumpiskang hinihinalang shabu ay nai-turnover na sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa qualitative at quantitative analysis.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 11, 12, 13, 14, at 15 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. James I. Catapusan