Home METRO 8 miyembro ng BIFF sumuko sa militar

8 miyembro ng BIFF sumuko sa militar

MAGUINDANAO DEL NORTE- SUMUKO sa militar ang 8 kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na pawang mga eksperto sa paggawa ng bomba noong Biyernes sa lalawigan ito.

Sumuko sa 57th Infantry Battalion Philippine Army ang walong BIFF member na sina Omar Kusain, Karno Datukan, Weng Aliman, Jowie Buludan, Allan Lauriano, Aladin Duwang, Kie Basalan at Norsamin Abedin

Ayon kay Brig. Gen. Michael Santos, ng 603rd Infantry, ang mga sumuko ay eksperto sa paggawa ng bomba at kasamang isinuko ng mga ito ang kanilang armas gaya ng assault rifles, grenade launchers at mga Improvised Explosive Device (IED).

Sa harap ng mga mamahayag, inihayag ng mga sumuko na nais na nilang mamuhay ng tahimik at pagod na sa kakatago sa liblib na lugar lalo na kapag mayroong operasyon ang tropa ng pamahalaan laban sa kanilang grupo.

Aminado naman ang mga ito na lumiliit na ang kanilang bilang dahil higit 700 nilang kasamahan ay kumalas na sa kanilang grupo.

Nangako naman ang pamahalaan na ibibigay ang mga benepisyong nakalaan para sa mga sumukong terorista. Mary Anne Sapico