MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Joel Villanueva na bawasan ng kalahati ang remittance fees na binabayaran ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at iginiit ang pangangailangan ng mas malinaw at patas na sistema ng singilan.
“These high fees diminish the value of our OFWs’ money and reduce its ability to provide a better means of living for their families left behind,” ani Villanueva sa isang pagdinig ng komite.
Hinimok niya ang mga regulator na magpatupad ng balangkas upang mapababa ang singil at mas makinabang ang mga pamilya ng OFWs sa kanilang pinaghirapang pera.
Muling ipinanawagan ni Villanueva ang pagpasa ng Senate Bill No. 181 o “Overseas Filipino Workers Remittance Protection Act.” Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na sinusuportahan nila ang panukala dahil palalakasin nito ang mga programa para sa mga OFW.
Batay sa datos ng BSP, umabot sa US$19.9 bilyon (₱1.16 trilyon) ang remittances mula Enero hanggang Hulyo 2025, habang US$34.5 bilyon (₱2.01 trilyon) naman noong 2024, na katumbas ng 8.3% ng GDP ng bansa.
Sa pandaigdigang datos, umaabot sa 6.49% ang karaniwang singil sa pagpapadala ng maliit na halaga ng remittance.
Ipinagbabawal din ng panukalang batas ang pagtaas ng remittance fees ng mga institusyong saklaw ng BSP nang walang konsultasyon sa BSP, DMW, at Department of Finance.
Sinang-ayunan ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang panukala, at sinabing ang paggamit ng digital remittance platforms ay magpapahusay sa “efficiency, transparency, at financial inclusion” para sa mga OFW at kanilang pamilya. RNT