MANILA — Hindi kailangang gumastos ng malaking halaga para magkaroon ng disenteng tahanan ang 52 pamilyang Manilenyo na napili sa grand raffle ng In-City Vertical Housing Project ng pamahalaang lungsod, na pinangunahan nina Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza nitong Sabado.
Bawat pamilya ay magkakaroon ng ready-for-occupancy unit sa San Lazaro Residences na may buwanang kontribusyon lamang na P2,000 hanggang P3,000, depende sa itinakdang kondisyon ng programa.
Kasabay ng ika-52 kaarawan ni Yorme Isko isinagawa ang pagbunot ng mga mapalad na benepisyaryo, kung saan personal na bumunot ng winning stubs ang alkalde at si Atienza.
Aabot sa 3,300 aplikante ang sumubaybay sa raffle sa pamamagitan ng livestream sa Facebook pages ng Manila Public Information Office, Manila Urban Settlements Office at ng alkalde.
Ang mga mapipiling pamilya ay titira sa San Lazaro Residences, isang 20-palapag na gusali na may mga pasilidad na inaasahang makatutulong sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
May sukat na 42 metro kuwadrado ang bawat housing unit, na may dalawang kuwarto. Mayroon ding health center, commercial area, swimming pool at function room sa gusali.
Ayon kay Isko, ikinatutuwa niyang makapagbigay ng disenteng tirahan sa mga pamilyang nangangailangan at nangakong ipagpapatuloy ang programa upang mas marami pang Manilenyo ang makinabang.
Gayunman, nilinaw ng alkalde na mananatili sa pangangasiwa ng pamahalaang lungsod ang mga housing unit upang mapigilan ang pagbebenta ng mga ito ng mga benepisyaryo.
Paliwanag niya, maaaring masira ang tunay na layunin ng programa kung ibebenta lamang ng mga mapalad na pamilya ang kanilang mga tirahan sa halip na gamitin ang mga ito bilang permanenteng tahanan.
Ang San Lazaro Residences ang ikapitong natapos na in-city housing project ng administrasyong Domagoso.
Kabilang sa mga naunang proyekto ang Tondominium 1 at 2, Basecommunity, Binondominium 1, Pedro Gil Residences at San Sebastian Residences. Nasa ilalim naman ng konstruksyon ang Binondominium 2.
Sa pagpapatuloy ng programang pabahay, layunin ng pamahalaang Maynila na mailapit sa mga residente ang abot-kayang tirahan at mabigyan ng mas maayos na pagkakataon ang mga pamilyang nangangarap magkaroon ng sariling tahanan sa lungsod. Jay Reyes