Home HOME BANNER STORY 55% ng mga Pinoy, sumusubaybay sa ICC case ni Duterte — SWS

55% ng mga Pinoy, sumusubaybay sa ICC case ni Duterte — SWS

4
0

MANILA, Philippines – Nasa 55% ng mga adultong Pilipino ang sumubaybay sa mga ulat tungkol sa pinakahuling development sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

Batay sa survey na isinagawa noong Setyembre 21 hanggang 27, 2026, nasa 8% ang mahigpit na sumusubaybay sa balita, 25% ang medyo sumusubaybay at 21% ang bahagyang sumusubaybay.

Samantala, 28% ang nagsabing hindi nila sinusubaybayan ang naturang balita, habang 17% ang unang nakarinig tungkol dito sa mismong panayam.

Mas mababa ang 55% kumpara sa 72% noong Hunyo 2026, 75% noong Marso at 80% noong Nobyembre 2025.

Gayunman, nilinaw ng SWS na magkakaibang development sa ICC case ang tinukoy sa bawat survey.

Nakatuon ang pinakahuling survey sa mosyon na inihain noong Agosto 31 ng abogado ni Duterte na si Peter Haynes upang hilingin sa ICC prosecution na muling isumite ang dokumentong naglalaman ng mga sakdal laban sa dating Pangulo.

Iginiit ng depensa na hindi sapat ang linaw at detalye ng mga akusasyon upang lubos na maunawaan ni Duterte ang mga kasong kanyang kinakaharap.

Sa hiwalay na tanong, 41% ng mga respondent ang nagpahayag ng malaking kumpiyansa na magiging patas ang paglilitis ng ICC, habang 26% ang may mababang kumpiyansa at 33% ang hindi tiyak.

Nakapagtala rin ang ICC ng +10 net trust rating, na itinuturing ng SWS na moderate.

Sa mga rehiyon, pinakamataas ang pagsubaybay sa Metro Manila sa 61%, kasunod ang Balance Luzon sa 56%, Visayas sa 55% at Mindanao sa 50%.

Isinagawa ang survey sa 1,500 Pilipinong edad 18 pataas sa pamamagitan ng face-to-face interviews, na may ±3 percentage points na sampling error margin sa pambansang resulta.

Samantala, nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30, 2026 ang paglilitis kay Duterte sa ICC Trial Chamber III sa The Hague, Netherlands.

Nahaharap ang dating Pangulo sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa kampanya kontra ilegal na droga at iba pang operasyon noong kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City at Pangulo ng Pilipinas. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here