Home OPINION 6 ORAS MARTIAL LAW

6 ORAS MARTIAL LAW

170
0

KAMAKALAWA ng gabi, biglang idineklara ni South Korean President Yoon Suk-yeol ang martial law.

Mga dahilan?

May mga South Korean umanong gustong itumba ang pamahalaan nila bukod sa North Korea na gusto rin ang ganoong pangyayari.

O kaya, may mga kasabwat umano ang mga North Korean na mga South Korean na gustong umagaw ng kapangyarihan sa South Korea.

Kaya naman, makaraan itong magdeklara ng martial law, nakahanda na pala ang mga sundalo na magpatupad nito.

At ‘yun na nga, mga Bro, may mga sundalo nang agad na nakadeploy para harangin ang mga tao na pumunta sa National Assembly o iba pang mga sensitibong lugar, lalo na ang gusaling pampamahalaan.

Nagkaroon din utos na harangin ang media at anomang pampulitikang pagkilos.

BIGLAANG PEOPLE POWER

Nagkaroon ng biglaan ding people power, lalo nang manawagan ang ilang nilang mambabatas na pumunta sila sa National Assembly at tutulan ang martial law.

Upang makapag-ipon ang mga mambabatas, tinulungan sila ng mga mamamayan na pumasok.

Hayun, sa kabuuang 300 mambabatas, 190 ang nakapasok sa kanilang gusali at bumoto laban sa martial law.

Kasama sa mga iginiit ng mga mambabatas na hindi sila pupwedeng arestuhin sa panahon ng martial law dahil isa itong kondisyon sa deklarasyon nito.

Hindi naman napigilan ang mga media sa kanilang trabahong magbalita at hindi rin napigilan ang mga tao na magtipon-tipon at maghayag ng kanilang saloobin.

Makaraang ang 6 oras, binawi na ni Yoon ang martial law.

Bagama’t wala nang martial law, hindi pa rin ganoon karelaks lahat ng tao, kasama na ang mga nasa Seoul na kapital ng bansang South Korea.

ANYARI BA TALAGA?

Maraming malaking pangyayari ang naganap bago ang deklarasyon ng martial law.

Nanalo bilang Pangulo si Yoon noong 2022 sa halalan.

Pero sa sumunod na halalan nitong Abril 2024, nanalo sa Parliamento ang oposisyon at dito na nagkandaletse-letse lahat.

Wala nang nabubuong batas dahil bawat panukalang batas na isinusumite kay Yoon, kanya namang bine-veto.

Nagkakaroon na ito ng epekto sa dapat na pag-usad ng ekonomiya ng bansa.

Nito namang nagdaang mga buwan, anak ng tokwa, nasasangkot naman ang misis ni Yoon sa mga sosyal na kontrobersya.

Si Kim Keon-hee.

Nalantad ang pagiging mahiligin nito sa mga mamamahaling alahas at bag.

Isa na rito ang dinisplay niya ang isang Dior Bag na mamamahalin at tinanggap niya ito na regalo sa kanya.

Sa Pilipinas, halos P1 milyon ang pinakamahal na Christian Dior bag.

Sangkot din umano ang First Lady sa manipulasyon at pagpapayaman sa mga malalaking korporasyon at iba pang mga iskandalo.

Nag-sorry naman si Yoon sa mga pinaggagagawa ng First Lady niya.

ANO NAMAN KAYA SA PINAS?

Kasalukuyang may gulo ring pulitikal sa Pinas.

May grupong gustong patalsikin, hindi si Pangulong Bongbong Marcos kundi si Vice President Sara Duterte.

At maraming sangkot sa gulo na may pagkakahalintulad sa South Korea, kasama ang mga pabor at kontra sa magkabilang panig.

Saan naman kaya ito hahantong?

Kayo ang higit na nakaaalam, mga Bro!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here