ZAMBOANGA DEL SUR — Anim na katao ang nasawi habang ilan pa ang nasugatan matapos sumalpok ang isang passenger van sa nakaparadang wing van truck sa Dumalinao, Zamboanga del Sur nitong Martes, Setyembre 1.
Batay sa police report, bumibiyahe ang passenger van mula Ipil, Zamboanga Sibugay patungong Pagadian City nang mawalan umano ito ng preno habang binabagtas ang national highway sa Barangay Paglaum.
Nabangga muna umano ng van ang isang motorsiklo bago sumalpok sa nakaparadang wing van. Dahil sa lakas ng impact, umusad ang truck at bumangga naman sa isa pang motorsiklong may sidecar.
Limang biktima, tatlong lalaki at dalawang babae, ang nasawi sa lugar dahil sa matinding tinamong sugat. Nasawi naman sa ospital ang driver ng passenger van matapos maipit sa loob ng sasakyan.
Dinala sa mga ospital sa Pagadian City ang iba pang sugatan, kabilang ang ilang pasahero at motorcycle riders. Hindi pa tiyak ang kabuuang bilang at kondisyon ng mga nasugatan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan sa aksidente. Mary Anne Sapico