Home METRO 6 sa 10 suspek na sangkot sa pamamaril sa 2 Tsino arestado

6 sa 10 suspek na sangkot sa pamamaril sa 2 Tsino arestado

MANILA, Philippines- Nadakip ang limang Chinese national at isang Pilipino na kabilang sa 10 suspek na sangkot sa pamamaril ng dalawang Tsino sa Parañaque City Linggo ng madaling araw, Hunyo 16.

Sa inisyal na ulat ng Parañaque City police, nakunan ng CCTV ang pagpasok ng apat na kalalakihan sa isang condo unit sa Roxas Boulevard na sakop ng sa Parañaque at ilang minuto lamang ang nakalipas ay nakitang anim na katao na ang lumabas ng unit na sumakay ng elevator hanggang sa makalabas ng gusali.

Doon lamang napag-alaman na dalawang magkapatid na Chinese national na pala ang pinaputukan ng mga suspek kung saan agad na isinugod sa ospital ang mga ito na sa kasalukuyan ay naiulat na ligtas na sa kapahamakan.

Sa pagsasagawa ng imbestigasyon ay napag-alaman na may utang umano ang magkapatid na biktima sa mga suspek na nagpapautang sa mga naglalaro sa casino.

Sa backtracking ng pulisya sa tulong ng CCTV ay napag-alaman na nasa 10 suspek– walong Tsino at dalawang Pilipino– ang sangkot sa pamamaril sa mga biktima.

Ayon pa sa intelligence report na natanggap ng pulisya, isa sa mga suspek ay nakatira sa katabing gusali lamang ng tinutuluyang condo ng mga biktima.

Makaraang makuha ang mahalagang impormasyon sa kanilang pagba-backtracking ay agad na nagkasa ng operasyon ang Parañaque City police na nagresulta ng pagkakaaresto sa limang suspek at isang Pinoy sa mga lugar ng Pasay, Parañaque, at Clark, Pampanga kung saan narekober sa mga ito ang dalawang baril, dalawang sasakyan at tatlong motorsiklo.

Patuloy ang pagsasagawa ng follow-up operation ng Parañaque City police para sa ikadarakip ng apat pang suspek kabilang na dito ang tinatawag na ‘big boss’ ng grupo na patuloy pa ring nakalalaya hanggang sa kasalukuyan. James I. Catapusan