CAGAYAN VALLEY – Anim na katao ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang isang truck na kargado ng semento malapit sa Lal-lo Airport sa Cagayan, na nag-udyok ng magkatuwang na rescue operation ng mga tropang Pilipino at Amerikano na kalahok sa Balikatan Exercise, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes.
Naganap ang insidente noong Lunes, matapos mawalan ng kontrol ang truck at mahulog sa bangin. Agad na naialis ang apat na biktima at dinala sa kalapit na ospital.
“Four casualties were immediately extricated from a cement-loaded truck that lost control and plunged into a ravine, and were transported to a nearby hospital,” ayon sa AFP.
Dalawa pang biktima na na-trap at tinatayang may malubhang pinsala ang kalaunang nasagip at inilipad sa pamamagitan ng U.S. HH-60 Black Hawk helicopter patungo sa mas mataas na pasilidad medikal para sa karagdagang gamutan.
“Two others, initially trapped and assessed with life-threatening injuries, were later rescued and airlifted by a U.S. HH-60 Black Hawk helicopter to a higher-level medical facility for advanced treatment,” dagdag pa ng AFP.
Nauna nang nakasaksi sa insidente ang mga tauhan ng U.S. Marine Corps at nagbigay ng paunang tulong bago dumating ang reinforcements mula sa 17th Infantry Battalion ng Philippine Army sa ilalim ng Joint Task Force “Tala.” Nakipag-ugnayan din sa Philippine National Police para sa imbestigasyon.
Kinumpirma ng AFP na pawang sibilyang Pilipino ang anim na nasugatan at walang military personnel na nadamay sa insidente. Mary Anne Sapico