Home METRO 60 pamilya apektado ng sunog sa Tondo

60 pamilya apektado ng sunog sa Tondo

MANILA, Philippines – Apetkado ang nasa 60 pamilya sa sunog na tumupok sa nasa 20 bahay sa Barangay 58, Tondo Maynila nitong Linggo ng gabi, Hunyo 16.

Aabot sa P1.6 milyon ang halaga ng pinsala sa nangyaring sunog.

“Katatapos lang ng paliga namin,nagliligpit na kami pasarado na kami ng gate ng court, namataan po namin ung third floor ng bahay nasunog. Tumakbo kami agad sa kalembang namin, pag-kalembang namin malakas na po nasa second floor na po agad [yung apoy]” ayon kay SK Chairman Christian Abulto, isa sa mga unang nakakita ng sunog, sa panayam ng ABSCBN News.

“Kami pong mga SK officials tumakbo kami agad sa barangay para kumuha ng fire extinguisher pero di na po kinaya,” dagdag pa niya.

Agad na iniakyat sa ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula madaling araw ng Lunes.

“Mostly sa mga bahay is light materials. Wala rin naitulong ang ulan. Naging challenge natin yung maliit na kalsada, eskinita lang papasok, and yung malalaking truck natin hindi agad makapasok. Then sa dami ng tao sa loob,” ani Fire Inspector Ronald Lim, Station 1 commander ng Bureau of Fire Protection-Manila.

Bagama’t walang nasawi sa sunog ay nagtamo naman ng minor injuries ang tatlo sa fire volunteers. RNT/JGC