Home OPINION PANAGUTIN ANG PABAYANG KAPITAN

PANAGUTIN ANG PABAYANG KAPITAN

HINDI sapat na panagutin lang ang may-ari ng barge na sumadsad sa North Navotas navigation floodgate kamakailan kundi maging ang kapitan na siyang nagtitimon sa nasabing sasakyang pandagat ay dapat ding bigyan ng kaukulang parusa dahil sa sobrang kapabayaan.

Posibleng ang may-ari ng barge ang magpataw ng parusa sa kapitan at patalsikin ito sa trabaho pero baka lilipat lang ang kapitan na ito sa ibang kompanya at muling magtitimon ng gabara o alinmang sasakyang pandagat.

Kasi naman, pinagsabihan na ang kapitan na huwag ng tumawid sa floodgate dahil low tide pero sumige pa rin kaya ang nangyari, nasira ang floodgate na ngayon ay malaking suliranin ng mga residente ng Navotas at Malabon dahil kahit walang ulan, bumabaha sa ilang lugar sa dalawang lungsod kapag high tide.

Sabi ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Atty. Don Artes na silang nangangasiwa sa naturang floodgate, ang Department of Public Works and Highways ang magkukumpuni sa nasirang floodgate pero kailangan munang alamin kung gaano kalawak ang pinsalang idinulot nang pagkasadsad ng barge.

Ito nga palang floodgate ang nagiging daan para pumigil sa pagpasok ng tubig-dagat mula sa Manila Bay patungo sa dalawang lungsod kapag high tide  kaya ngayong walang pumipigil sa pagtaas ng tubig, bumabaha sa maraming lugar dahil mas mataas ang tubig na pumapasok kumpara sa inilagay na dike.

Ngayon pa nga lang, may mga lugar sa Navotas na inaabot na ng hanggang tuhod ang taas ng tubig kahit walang ulan habang maraming lansangan din sa Malabon ang lagpas sa bangketa ang tubig-baha.

Pangamba nina Navotas Mayor John Rey Tiangco at Malabon Mayor Jeannie Sandoval, kapag hindi kaagad nakumpuni ang floodgate hanggang sa susunod na buwan kung saan inaasahang hahagupit ang mga bagyo dulot ng La Nina, baka lumubog sa baha ang kanilang lungsod.

Pero sabi naman ni Chairman Artes, gagawa muna sila ng pansamantalang paraan hangga’t hindi naiaayos ang floodgate tulad ng paggamit ng crane o taklobo na siyang magtutulak sa floodgate para sumara at bumukas.

Siguro, bukod sa ipababalikat ng DPWH ang gastos sa pagkukumpuni ng nasirang floodgate sa kompanyang may-ari ng barge, pagmultahin din sila para maging maingat sa pagkuha ng mga tauhan na titimon sa kanilang mga barge.