Home OPINION ANOTHER HIT-AND-MISS APPOINTMENT?

ANOTHER HIT-AND-MISS APPOINTMENT?

TINAPOS ni President Bongbong Marcos ang Hunyo nang walang bagong kalihim ang Department of Education matapos ideklara ng Palasyo, tatlong araw ang nakalipas, na itatalaga na ito ng Punong Ehekutibo sa pagtatapos ng linggo. “It turns out it’s harder than I thought because we absolutely have to get it right,” aniya.

 

Buti na lamang at natukoy niya ang aktuwal na problema ng kanyang administrasyon: kung paanong hindi magkamali sa mga nagiging desisyon.

 

Iyon marahil ang cue sa atin na huwag ma-excite tungkol sa susunod na DepEd chief. Baka isa na naman hit-and-miss appointment ang mangyari.

 

Villanueva bilang DepEd Chief?

 

Hindi ko alam kung nasa shortlist si Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) Party-list Rep. Eddie Villanueva; parang wala yata.

 

Pero para sa isang kongresista, mayroon siyang interesanteng plano na maghain ng panukalang mag-oobliga sa bawat eskuwelahan sa Pilipinas na mag-display ng 10 Commandments. Binigyang-diin ni Villanueva, mas kilala bilang Brother Eddie, na ang mga utos ng Diyos na nasa Bibliya ay “not a mere religious tenet” na eksklusibo lang sa mga Kristiyano.

 

Base sa kasaysayan, kinikilala ng mga Kristiyano at hindi Kristiyano ang pangkalahatang aral ng Ten Commandments sa paghuhubog ng mabubuting mamamayan, at sa puntong ito, tama si Rep. Villanueva. Ayon sa kanya, “It is more than just a set of religious teachings; the Commandments are a guide for nation building and social cohesion.”

 

Wala nang CIF

 

 Ang isang bagay na dapat ikonsidera sa proseso ng pagpili — sakali man na pinakikinggan ang payo mula sa labas ng kumedor ng mga Marcos — ay iyong ang susunod na kalihim ng Edukasyon ay dapat na walang lakas ng loob na humingi ng confidential at intelligence funds.

 

Alam na natin, salamat kay Inday Sara, kung gaano kadaling gastusin ang P125 milyon sa pondong iyon sa loob ng wala pang tatlong linggo — nang walang anomang pagbabago sa ating mga paaralan, sa kalidad ng ating basic education, o sa benepisyo ng ating mga guro.

 

 

Three’s company

 

 

Pinag-uusapan na rin lang si Vice President Sara Duterte-Carpio, ibinunyag niya ang isang magandang ideyang pampamilya: ang sama-samang pagkandidato ng tatlong Duterte sa mid-term polls para maging mas interesante ang Senado sa 2025.

 

Imagine, sina Pulong, Baste, at dating Pangulong Digong, tatakbo ala-trio sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso!

 

At dahil ang tatluhan sa pamilya ay isang napakagandang ideya sa isang August body ng 24 na kumakatawan sa bansa ng 120 milyong Pilipino, bakit hindi na lang kaya tayo magkaroon ng tatlong Cayetanos, tatlong Estradas, tatlong Villars, at baka puwedeng baka pati tatlong Marcoses sa Senado? Magandang ideya nga kaya?

 

*         *         *

 

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).