Home HOME BANNER STORY Depensa ni VP Sara nagsimula na; pagharap sa trial, iginiit ng prosecution

Depensa ni VP Sara nagsimula na; pagharap sa trial, iginiit ng prosecution

10
0

MANILA, Philippines – Nagsimula ngayong Lunes, Nobyembre 9, ang paglalahad ng depensa ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial sa Senado, matapos ang halos isang buwang recess.

Unang dapat tumestigo si Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng GenCorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corp., hinggil sa financial statements ng mga korporasyon mula 2022 hanggang 2025. Ngunit hindi ito makadadalo dahil sa naka-schedule na MRI scan, kaya inaasahang sa Miyerkules pa siya haharap.

Ayon kay Senate impeachment court spokesperson Reginald Tongol, 22 sa 24 na subpoena na hiniling ng depensa ay naipadala na.

Kasabay nito, hinamon ni chief prosecutor Batangas Rep. Gerville Luistro si Duterte na personal na tumestigo upang ipaliwanag ang mga akusasyon laban sa kanya.

“The lone person who can truly explain what happened is none other than the vice president herself,” aniya.

Hindi pa dumadalo si Duterte sa paglilitis mula nang magsimula ito noong Hulyo. Giit niya, pulitika lamang ang motibo sa pagpapatalsik sa kanya.

Ayon sa Social Weather Stations survey noong nakaraang buwan, 78% ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat tumestigo ang Bise Presidente.

Batay sa testimonya ng forensic financial analyst na si Alexander Cabrera, sinasabing posibleng nagtago si Duterte ng hindi bababa sa P817.87 milyon na ari-arian, at maaaring umabot pa sa mahigit P1.5 bilyon ang kabuuang hindi idineklarang yaman.

Kabilang sa ebidensya ang mga titulo ng lupa na nakapangalan sa asawa niyang si Atty. Manases Carpio na hindi nakalista sa kanyang SALN — kabilang ang 379-square-meter na lote sa Huna Subdivision, Davao City na nabili ng P6 milyon noong 2024, at Kembali Coast property na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3.45 milyon.

Magpapatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 10, 12, 13, 19, 20, at 23, mula 10 a.m. hanggang 6:30 p.m.

Isusunod na tatayong testigo ang mga city assessor ng Davao City at Samal, isang accountant, at ang barangay captain ng Matina Crossing, bago ang mga kinatawan ng bangko. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here