Home METRO 63 sa 77 nasawi sa nasunog na barko sa Coron, tukoy na

63 sa 77 nasawi sa nasunog na barko sa Coron, tukoy na

1
0

PALAWAN, Philippines — Nakilala na ng mga awtoridad ang 63 sa 77 nasawi sa sunog sa ferry na MV June Aster sa karagatan ng Palawan noong Setyembre, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Iniulat din ng BFP nitong Biyernes na walo pang katao ang nawawala habang patuloy ang imbestigasyon sa mga posibleng pagkukulang na nagbigay-daan upang makabiyahe ang barko sa kabila ng problema sa makina at hindi wastong pag-iimbak ng mga nasusunog at mapanganib na kargamento.

Ayon kay BFP officer-in-charge Fire Chief Superintendent Wilberto Rico Neil Ang Kwan Tiu, inaalam ng mga imbestigador kung bakit pinayagang bumiyahe ang barko patungong Coron sa kabila ng mga problemang naranasan nito.

Batay sa rekonstruksiyon ng BFP gamit ang mga salaysay ng mga nakaligtas, nagsimula ang sunog bandang alas-6:30 ng gabi noong Setyembre 9 habang dumaraan ang ferry sa Strait of Coron, Palawan.

Dapat sanang umalis ang barko noong Setyembre 3, ngunit naantala ang biyahe. Ayon sa operator na Atienza Inter-Island Ferries Inc., masamang panahon at low tide ang dahilan ng pagkaantala.

Gayunman, natuklasan ng mga imbestigador na may problema rin ang makina ng barko. Sa apat na araw na pagkaantala, nadagdagan ang kargamento nito, kabilang ang mga drum ng cooking oil, mga bloke ng aspalto at malaking dami ng calcium hypochlorite.

Ayon sa BFP, inilagay ang calcium hypochlorite, isang kemikal na madaling mag-react at may corrosive properties, sa likurang bahagi ng cargo deck, sa tapat mismo ng engine room at katabi ng mga nasusunog na bloke ng aspalto.

Sinabi ni Kwan Tiu na dahil sa malalakas na alon, natumba ang ilang kargamento at naghalo ang calcium hypochlorite at aspalto.

“While the vessel experienced rough seas condition, the cargo fell, and that comes the mixture of calcium hypochlorite and the asphalt,” aniya.

Ayon sa opisyal, ang paghahalo ng mga materyales ang nagpasimula ng sunog at nagdulot ng lubhang nakalalasong usok.

“That’s where it started; and as we know, the product of combustion, specifically the smoke emitted during the process, is highly toxic,” ayon kay Kwan Tiu.

Posible umanong may mga pasaherong nalagutan ng hininga dahil sa nakalalasong usok bago pa nila maramdaman ang init o malaman na may sunog na, ayon kay Kwan Tiu. Naganap ang insidente sa gabi, kung kailan maaaring nasa kanilang mga higaan ang maraming pasahero.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng pagkukulang at kung bakit pinayagang bumiyahe ang MV June Aster sa kabila ng mga naiulat na problema. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here