NEGROS OCCIDENTAL, Philippines — Patay ang isang 64-anyos na lalaki matapos umanong hampasin ng bato sa ulo ng kanyang 22-anyos na kamag-anak na SK councilor sa Barangay Ilaya, Calatrava noong Hulyo 21.
Ayon sa pulisya, magkasama umanong nag-inuman ang biktima, na kinilalang si Rody, ang suspek na si Mike, at ilang kapitbahay bago naganap ang insidente.
Sa imbestigasyon, sinabing nagtungo ang biktima sa bahay ng suspek at pilit na pumasok. Nang hindi papasukin, naghagis umano ito ng mga bato sa bahay.
Lumabas ang suspek upang pakalmahin ang biktima at maiwasan ang ingay na maaaring makaistorbo sa kanyang lola. Nauwi umano ito sa suntukan, hanggang sa pumulot ng bato ang suspek at hinampas ang biktima sa ulo.
Naaresto ng mga barangay peacekeeper ang suspek at isinuko sa pulisya noong Hulyo 22.
Ayon sa pulisya, posibleng pagkalasing ang naging ugat ng insidente at wala umanong naunang alitan ang dalawa.
Nagsampa na ng kasong homicide laban sa suspek noong Hulyo 23, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MDS