Home HOME BANNER STORY 6,500 patay sa init ‘gang Pebrero 2027, posible sa Super El Niño...

6,500 patay sa init ‘gang Pebrero 2027, posible sa Super El Niño – pag-aaral

1
0

MANILA, Philippines — Tinatayang 6,500 karagdagang heat-related deaths ang maaaring maitala sa Pilipinas mula Setyembre 2026 hanggang Pebrero 2027 dahil sa matinding init na kaugnay ng kasalukuyang El Niño, ayon sa pagsusuri ng Climate Impact Lab.

Batay sa country projections ng grupo, pang-siyam ang Pilipinas sa 50 bansang may pinakamataas na tinatayang dagdag na pagkamatay dahil sa init sa naturang anim na buwang panahon. Nangunguna ang Nigeria na may 31,400, kasunod ang Indonesia na may 19,300 at Sudan na may 17,500.

Sa Southeast Asia, tinatayang aabot sa kabuuang 19,400 ang karagdagang heat-related deaths sa Pilipinas, Vietnam, Thailand at Cambodia, bukod pa sa 19,300 na inaasahan sa Indonesia.

Ayon sa Climate Impact Lab, maaaring umabot sa 451,000 ang additional heat-related deaths sa buong mundo mula Hunyo 2026 hanggang Pebrero 2027 kumpara sa karaniwang antas noong 1996 hanggang 2025. Inaasahan ding magiging 1.2°C na mas mataas sa normal ang average land temperature sa mga susunod na buwan at tataas ng 44% ang bilang ng extremely hot days kumpara sa normal na taon.

Nilinaw ng mga mananaliksik na projections ang mga bilang at nakabatay sa seasonal temperature forecasts at ugnayan ng temperatura at excess mortality sa 24,378 rehiyon sa mundo. Ang buong detalye ng methodology ay nakatakda pang ilathala sa isang peer-reviewed journal.

Samantala, sinabi ng PAGASA nitong Setyembre 23 na kasalukuyang umiiral ang Strong El Niño sa tropical Pacific at maaari itong lumakas tungo sa “Very Strong El Niño” sa pagitan ng Setyembre at Disyembre 2026 at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027.

Babala ng weather bureau, pinapataas ng El Niño ang posibilidad ng below-normal rainfall na maaaring magdulot ng dry spell at drought sa ilang bahagi ng bansa.

Kabilang sa mga hakbang na inirekomenda ng Climate Impact Lab upang mabawasan ang panganib ng pagkamatay ang heat early-warning systems, hydration at cooling centers, proteksyon sa outdoor workers, health outreach sa vulnerable populations at pagpapalawak ng kapasidad ng health system. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here