“IT’S nice to be back!,” ang bungad na pananalita ni PBGen. Arnold Evangelista Abad sa kanyang talumpati sa pagtanggap sa posisyong ipinagkaloob sa kanya ng pamunuan ng Philippine National Police sa ilalim ni PGen. Nicolas Torre III.
Noong nakaraang Lunes ng hapon, opisyal nang nanumpa bilang bagong Director ng Manila Police District si Abad na may mahigit 28 taóng karanasan sa paglilingkod bilang alagad ng batas—isang karera na puno ng mga tagumpay laban sa krimen, droga, at korapsyon.
Bago naitalaga sa MPD si Abad, siya ay nanungkulan bilang district director ng Northern Police District. Gayunman, hindi naman siya nagtagal sa nasabing distrito subalit sa kanyang pananatili sa NPD, naging generally peaceful ito.
Malalim ang karanasan ng miyembrong ito ng Philippine National Police Academy Class 1996 o Kaagapay mula sa pagiging operatiba sa Maynila noong makagraduate siya sa akademya ay napunta rin ito sa Quezon City kung saan naitalaga siya sa special operations group at anti-illegal drugs unit.
Hindi nagpakita ng pagkasilong sa mga kriminal at sa halip ay marami siyang napabagsak na sindikato ng iligal na sugal, droga at iba pang krimen.
Noong siya ay naging Provincial Director ng Cavite, buong tapang niyang pinamunuan ang mga pulis sa nasabing lalawigan na nagresulta sa pagpapabagsak ng mga sindikato sa iligal na sugal at human trafficking kaya naman tumanggap siya ng ilang parangal dahil sa matagumpay na operasyon.
Sa kanyang unang talumpati bilang MPD Director, binigyang-diin ni Abad ang kahalagahan ng tiwala sa pagitan ng pulisya at mamamayan: “Ang tunay na kaligtasan ay nagsisimula sa pagtutulungan. Hindi tayo mabibigo sa ating misyon para sa kapayapaan at kaayusan ng Maynila kung magkakaisa at magiging magkakampi ang pulis at komunidad.”
Pinalitan ni Abad ang kanyang kaklase o kamistah na si PBGen Benigno Guzman na napunta naman sa Police Security and Protection Group.
Aabangan ng madlang Manileño kung makasasabay si Abad sa energetic na alkalde ng Maynila na si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Pero para sa inyong Pakurot ay “sisiw” lang kay Abad ang magiging trabaho niya dahil hindi matatawaran ang sipag nito kung para sa hanay ng pulisya ay mamamayan ang gagawin niya.
Nais ng Kaagapay Lakan na ito na maging ligtas at payapa ang Maynila.
Welcome to MPD PBGen. ARNOLD E. ABAD!






