Home OPINION BAGYO SA SENADO AT SI BAGYONG OPONG

BAGYO SA SENADO AT SI BAGYONG OPONG

254
0


MAY dalawang bagyong humahagupit sa Pinas ngayon.

Isa ang sa Senado na magtatagal pa siguro bago humupa ang super bagyong korapsyon at pandarambong sa flood control project at iba pang imprastraktura.

Iba naman si Opong na humahagupit na mula pa kahapon sa northern Mindanao hangang sa buong Kabisayaan, Kabikulan, Timog Katagalugan, Metro Manila, Central Luzon at southern Ilocos Region.

Sa Kamara, dahil sa kaiiwas na isangkot ang mga kongresman at mga senador at kontraktor lang ang puntirya sa imbestigasyon ng tinatawag na Infracomm o Infrastructure Committee, nalunod na ito sa baha ng kawalan ng kredibilidad at pamumulitika bago pa ito magkabagyo.

MGA SANTO BIBIHIRA

Sa Senado, may anim nang pinaghihinalaang senador na may kikbak sa mga flood control at iba pang proyektong imprastraktura.

Pinaghihinalaan dahil hindi personal na tumanggap ang mga ito ng mga kikbak kundi mga “bagman” umano.

Maging ang mahigit nang 20 kongresman na pinalutang sa Senado ng mga inhinyero ng Department of Public Works and Highways, mag-asawang Curlee at Sarah Discaya at ni Manong Chavit Singson, pinaghihinalaan pa rin.

Iba pa ang naging konektado sa Malakanyang na isang presidential adviser, Commission on Audit at maaaring iba pa na naging mitsa naman ng iringan sa pagitan ng Palasyo at Kamara kaugnay ng pagnanais na ibalik ng Kamara ang buong National Expenditure Program (NEP) para ituwid ito.

Ninais palabasin kasi ng mga kongresman na bago pa man isumite sa kanila ang NEP, may mga pang-tubong lugaw o insertion na kaya hindi galing sa mga kongresman ang mga pagkikikbakan.

Hehehe!

Kung gagawing kabuuan ang imbestigasyon at isasama rito ang 318 representatives (254 congressional district representatives at 64 partylist representatives) ng Independent Commission for Infrastructure, anak ng tokwa, maaaring halos walang matira na mambabatas.

Isang susi sa imbestigasyon ang 215 kongresman na pumirma sa impeachment dahil may mga nagpaalam pa kay Navotas Cong. Toby Tiangco na pumirma dahil sa matinding pangangailangan o sa takot na maitsapwera sa mga umuulang grasya noon.

Kumbaga sa mga naniniwala sa Diyos, lalabas na halos walang maituturing na santo sa mga nakaupong inihalal ng taumbayan na peborit ang campaign slogan na “maka-Diyos.”

SINA BAGYONG MIRASOL AT OPONG

Sa gitna ng mga bagyong korapsyon at pandarambong sa Kongreso at Malakanyang, heto nga’t katatapos lang ang matinding kasiraan sa buhay at ari-arian na dinala ni super bagyong Mirasol.

Pumatay si Mirasol ng 4 katao at naapektuhan nito ang halos 700,000 katao na ikinabakwit ng libo-libo habang may mga nawasak na mga tahanan at gusali, gamit sa hanapbuhay at iba pa na bunga ng mahigit 250 kilometrong bugso ng hangin at matitinding baha mula sa ulan.

Si Opong napakalawak at milyon-milyong tao ang apektado naman nito.

Sana naman, ang lahat ng kinauukulang ahensya at tauhan ng pamahalaan ay tuloy-tuloy at hindi panghinaan ng pagod at puyat sa pagkilos para protektahan ang mga mamamayan at iligtas sa kapahamakan, kasama ang mga ari-arian.

Bahala na ang mga mamamyan na makibalikat sa kanila sa anomang paraan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here