Home OPINION BERNARDO, DAKILANG TSISMOSO

BERNARDO, DAKILANG TSISMOSO

284
0

SA dami ng umiikot na pangalan sa flood control scandal, tila iisa lang ang paulit-ulit na ibinabandera na para bang siya ang “star witness” ng bayan. Ito’y si dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo.

Bakit ganito, gayong pawang tsismis kung tutuusin ang lahat ng kanyang ipiniprisinta? Maski nga ang Independent Commission for Infrastructure ay duda sa mga pinagsasabi niya.

Balikan ninyo, halos lahat ng sinasabi ni Bernardo ay hearsay. Puro sabi-sabi, puro “may nagsabi sa akin,” puro “narinig ko.”

Walang dokumento. Walang resibo. Walang litrato. Walang bank trail. Ni wala ngang ibang testigo na nagpapatunay sa sinasabi niya.

Sa basic rules of evidence, klarong-klaro na ang hearsay ay hindi ebidensya. Hindi ito sapat para magturo ng kasalanan, lalo na sa mga kasong kasing bigat ng pinag-uusapan ngayon.

Mas lalong nakaaalarma na paiba-iba ang kwento ni Bernardo. Biglang may supplemental affidavit. Para bang sa bawat pagkakataon na siya ay makapagsalita sa harap ng camera, may “naaalala” siyang bago. Ano ito? Kung sino lang ang maisip niyang idawit?

Tandaan din natin na gustong maging state witness nitong si Bernardo. Hindi tayo masisisi kung iisipin natin na gagawin niya ang lahat, pangangalanan ang kahit sino, at maaari siyang mag-imbento ng salaysay, maisalba lang ang sarili, kasabay nang pagliligtas sa malalaking tao na maaaring nasa likod niya. Hindi kaya sina Pangulong Bongbong Marcos at ex-Speaker Martin Romualdez ang mga ito?

Habang pabago-bago ang testimonya niya, delayed nang delayed din ang imbestigasyon ng ICI. Imbes na makatulong, parang siya pa ang pumipigil para hindi umusad ang kaso. Lalo pang nakaiinis dahil sa tuwing iniimbitahan siya ng ICI, may dahilan siya para hindi sumipot. May sakit daw. May procedure daw. May kailangan pang ihanda. Pero kita n’yo naman, nakagagawa pa siya ng bagong affidavit. Kapag ba absent, biglang gumagaling ang memorya?

Tama ang sinabi ng ICI kay Bernardo. Hindi tayo dapat umasa sa testimonya na walang anomang ebidensya. Hindi pwedeng gawing pundasyon ng hatol ang isang salaysay na parang tsismis lang sa barbero. Marami namang testigo na lakas-loob na nagbigay ng detalyado, firsthand accounts, gaya ni Sgt. Orly Guteza. Sila ang dapat nating pagtuunan ng pansin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here