Home METRO 7-anyos na batang lalaki, nahulog sa ilog, tigok

7-anyos na batang lalaki, nahulog sa ilog, tigok

220
0

PATAY na nang matagpuan ang 7-anyos na batang lalaki nang aksidente umanong mahulog sa Tullahan River habang nakikipaglaro sa mga kaibigan, napaulat kahapon sa Malabon City.

Alas-11:00 ng tanghali noong Biyernes nang matagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Malabon Bureau of Fire Protection (BFP) ang katawan ng Grade 2 na estudyanteng si alyas “RNG” matapos ang magdamag na paghahanap sa malaking bahagi ng Tullahan River sa Barangay Tinajeros.

Sa nakalap na ulat mula kay Malabon Station Community Affairs Section (SCAS) chief P/Capt. Eduardo Antalan Jr., habang nakikipaglaro ang biktima sa tatlong babaeng kapitbahay na may edad na 7, 8, at 9, at dalawang batang lalaking kapwa edad 11 noong Huwebes ng hapon sa tabi ng Tullahan River sa St. James St., Brgy. Tinajeros, nang aksidente umanong mahulog dakong alas-4:40 ng hapon.

Tinangka pang iligtas ng mga kapitbahay na sina Limuel Cabral at Jerry Valenzuela Jr. ang biktima nang ipabatid sa kanila ng mga kalaro ng bata ang pangyayari, subalit nabigo silang makita ang bata kaya humingi na sila ng tulong sa awtoridad.

Kaagad namang pinakilos ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang MDRRMO at pulisya upang hanapin at sagipin ang bata, katuwang ang mga tauhan ng PCG at BFP, hanggang tuluyang makita ang katawan matapos ang magdamagang paghahanap. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here