MANILA, Philippines – Isang pitong taong gulang na lalaki ang namatay makaraang ma-trap sa naganap na sunog sa loob ng bahay kahit na kasagsagan ng malakas na pag-ulan bunga ng bagyo sa Brgy. Sampaloc 2, Dasmariñas City, Cavite.
Sa naantalang ulat ng Cavite PPO, alas-9:14 ng gabi sumiklab ang sunog sa Bucal 2, Brgy. Sampaloc 2, sa bahay na pag-aari ng isang alyas Leon at inuupahan ng isang pamilya.
Ayon sa pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa electrical outlet na biglang sumabog at mabilis na kumalat ang apoy sa tinitirhan ng pamilya ng biktima.
Dahil sa malakas na ulan at kahimbingan ng tulog ng pamilya, kasama ang biktimang si alyas Luke, 7 anyos, estudyante, hindi na ito nailigtas at tuluyang nasunog kasama ng kanilang tahanan.
Mabilis ding kumalat ang apoy sa mga karatig-bahay at tumagal ng mahigit apat na oras bago ito tuluyang naapula.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 10 pamilya ang nawalan ng tirahan.