MANILA, Philippines – Nagsampa ng kaso ang Department of Education (DepEd) laban sa pitong pribadong paaralan na umano’y naglista ng mga “ghost students” bilang benepisyaryo ng voucher program ng gobyerno, ayon kay Secretary Sonny Angara nitong Miyerkoles.
Aabot sa ₱61.9 milyon ang kabuuang halaga na sangkot sa isinampang kaso sa piskalya, kalakip ang mga demand letter.
May mga katulad pang kaso na iniimbestigahan ng legal department ng DepEd.
Noong Pebrero, iniulat ng DepEd na iniimbestigahan ang 12 pribadong paaralan sa iba’t ibang lalawigan at Metro Manila dahil sa umano’y ghost students sa Senior High School Voucher Program, na nagbibigay ng ₱14,000 hanggang ₱22,500 kada estudyante.
Target ng DepEd na mabawi hanggang ₱100 milyon na pondo ng bayan sa pamamagitan ng mga kasong kriminal at sibil. Santi Celario